"Ate, isulat mo 'yong tungkol sa mga fb games addict.' 'Yan ang sinabi sa akin ng aking kapatid para sa aking next topic. Eh, fb games addict din ako!! Bakit ko 'yon isusulat?! Ano ka, sister? Haler?
O, eh, eto ako ngayon nagsusulat na about sa fb addict sa mga games. Opo, isa ako sa naglaro ng Farmville. Nagtataka kase ako sa mga kasama ko sa trabaho, "baka mabulok ang mga tanim ko" lage nilang sinasabi. At magkukumahog na papunta sa computer set. (Buti n lang hindi pa gaanong mahigpit noon sa pag gamit ng computer. Ngayon limitado na sa mga gawaing pang kompanya ang pag gamit sa mga computer.) Nakipanood ako sa mga kasamahan ko sa work, abaw naman! Magaganda 'yong mga hinaharvest nila ha. Maraming mais! May mga makukulay na mga bulaklak! Magaganda ang kapaligiran ng kanilang mga farm. Na engganyo ang mga mata ko. Sinubukan ko muna sa work, makaraan ang isang linggo, lage nang sumasagi sa isip ko ang mga pagbabagong gagawin ko sa aking farm. O, e di ano pa, ipinabalik ko ang aking internet connection sa bahay! S'ya, s'ya adik na kung adik! Ang mga uwi kong trabaho sa bahay ay hindi ko na nagagawa. Wala na, Farmville na lang. Dumating 'yong time na nagsawa na ko sa Farmville. Wala na kaseng pagbabago, natatamad na ko sa lage na lang move ng mga plants and everything.
Iniwan ko ang aking FARM sa level na 96.
Sumunod ang Cityville, sabi ko, mas ok eto kesa sa farmville kase pwede din akong magtanim at the same time pwede pa rin akong mag build ng mga buildings. Umabot ako sa LEVEL 76 dito sa Cityville. Nainis lang ako sa mga requirements upang makapagtayo ng buildings kaya itinigil ko na ang paglalaro ng Cityville Ang dami daming kailangan!
Castle Ville naman ang napagtuunan ko ng pansin ngunit hindi rin maganda. Nalaro ko din ang Zuma hanggang tumigil ako sa paglalaro ng fb games.
Matagal din akong hindi naglaro sa fb, mga isang buwan siguro :D Matagal na po iyan. :) Ewan ko ba, hinahanap-hanap ko iyong may inaalagaan ako online. Bagong labas noon ang Bubbles Safari. Napakasimple lang naman ng gagawin sa larong ito. Titirahin ang mga bubbles ng magkaparehong kulay. Katulad nito:
|
Meet Bubbles. |
Si Bubbles ay isang monkey na may sariling kuwento ng buhay, lovelife and adventure as a monkey. Bawat episode, iba't ibang challenges ang dadaanan. Sa picture na ito, nag-iiba ang posisyon ng mga kulay ng bubbles dahil sa spinner. So, talagang minsan ay ilang ulit bago ko matapos ang isang level. At wow naman, ang sarap sa feeling ng nalalagpasan yong mahihirap na mga levels. Dito sa larong Bubbles Safari, mataas na ang level na nararating ko. Un oh! Level 395 lang naman! Oo na, oo na! Adik na nga yata akong matatawag.
At naku naman, dumating pa yong Candy Crush Saga! Hmp, ayaw ko talaga maglaro nyan! Andami na ngang adik dyan sa larong yan, sasali pa ko? Indi na! E, hinamon ako ng kapatid ko'ng bunso na kung magaling daw ako maglaro talunin ko ang level nya sa Candy Crush Saga. Level 29 pa lang naman sya sa Candy Crush Saga. Ang yabang pa nya ha, hindi ko daw sya malalagpasan man lang! I said, ok the challenge is on! I am going to beat you. And even be better with each level! At eto na ako ngayon, lawit na ang dila at kunot pa ang noo sa level 140. Nakakapangigil!
Bakit nga ba maraming nawiwili sa paglalaro ng mga games sa fb katulad ng mga nalaro ko na? Sa aking karanasan at palagay, nawiwili tayong maglaro nito dahil sa magagandang kulay na ating nakikita sa mga computer screen. Ang paglalaro ay ginagawa ko ring anti-stress. Habang naglalaro ako ay tila ba nawawala ang pagod ko sa maghapong trabaho. Ang aking mga alalahanin ay panandaliang nawawaglit dahil sa pag iisip ng mga strategy na aking gagawin sa kasalukuyan kong laro upang ako ay manalo.
Sa kabilang banda, marami din itong naidudulot na masama. Una na dyan ay ang pag gain ng aking weight. Wala akong ibang ginawa kundi umupo at maglaro sa harap ng computer ke may pending akong trabaho o wala. Pangalawa ang pagkalimot sa aking niluluto, minsan din ay sumasakit na ang aking mga mata at ulo marahil sa pagtitig sa computer screen. Naging anti-social din ako. I turned down invitations from friends just to keep on playing, or maybe playing was just an excuse because I really don't want to go out. Lastly, sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay nakikita ko sa aking balintataw ang mga bubbles ang mga candies na aking nilalaro. Aha, masama ito, di po ba?
Sabi din ng pangatlo kong kapatid, "narinig ko sa gawing likuran ng upuan ko sa bus ang paguusap ng dalawang babae tungkol sa Candy Crush Saga.. sabi ng unang nagsalita: 'Naglalaro ka ba ng Candy Crush Saga?' Sumagot ang pangalawang babae: 'Ano ka, pambata lang ang mga fb games no?! Ang nasabi ko na lang, 'sana tumayo ka at tinanong mo kung ano ang larong pangmatanda.' :)
Ang mga larong ito ay bahagi na ng ating buhay, bahagi na ng malawak na cyberspace. Isang click lang natin ay nasa harapan na natin. Tayong mga manlalaro na lamang ang bahalang mag control kung paano tayo lalaro ng tama lang at sapat upang tayo ay maaliw.